ilang beses akong nasabihan na “galit” ako
ilang beses nilang pinaramdam na ang opinyon ko’y di na kailangang pakinggan
ilang beses nang ang pananamit, estilo ng buhok, maging ang bangs, pati ang hugis ko — hindi sila makontento
na para bang may say sila sa katawan at porma ko,
na para bang maharlika silang dapat sundin,
na para bang sinakop nila ako, alipin at sila ang amo ko
ilan sa kanila, mga taong di ako kilala
ilan sa kanila, akala kilala ako
ilan sa kanila, mga taong mahal ko
alin ba sa mga sinasabi nila ang dapat sundin?
alin ang bibigyang pansin?
alin ang kaya kong indahin?
minsan, sa bigat ng kalooban ay bubuhos ang luha
minsan, sa sakit ng mga salitang nabasa, narinig ay mapapaluhod sa panghihina
minsan, napapakita ko to sa taong kung sinong malapit
madalas, pagkatapos ibuhos ang lungkot
gigisingin ka ng mundo,
kukuyugin ka ng mga responsibilidad mo
papaalalahanin ka na tumatakbo ang mundo,
hindi umiikot sayo,
tumahan ka na sa pag-iyak
punasan ang mukha,
huminga ka,
harapin muli ang ginagawa
kasabay niyan ang pakiramdam na parang hinubaran sa taong napagbuhusan ng emosyon
kasabay nang takot na dulot ng pagpapasilip mo nang iyong pagkatao, ng kahinaan mo:
ang opinyon ng ibang tao
lalo na ng galing sa mga taong mahal mo
pagkatapos ay ang pagsuko.
pagsuko na iparating ang saloobin mo.
pagsuko na ipaliwanag na ang babae kapag natangay ng kanyang emosyon hindi galit kundi gipit
gipit sa oras na kayang ilaan ng mundo upang pakinggan ito
gipit sa pag-unawa dahil natatakot ang ibang mailugar sa tama
gipit sa pera dahil nalalamangan sila
gipit sa respeto dahil “inaangkin” sila
gipit sa kalayaan dahil makapangyarihan sila,
kapag pinalaya mo, bubuka ang pakpak at lilipad, aangat, mas malayo sa narating mo
pero hindi gaya ng mga taong nanglalamang, babalik ang babae sa lupa, magpapakumbaba
bubuhay ng bata, uunahin ang pamilya
Tags: depression, double standard, Family, heartbreak, people, relationship, woman