Tag Archives: tagalog

Ngayon na nga ba ang SA WAKAS?

31 Aug

Ano ba itong pakiramdam na parang nakalutang sa alapaap at sa isipan, isang imahe ng kadenang napigtas?

Ano nga ba?

Ano ba itong parang pagluwag ng dibdib pagkatapos tumakbo ng tumakbo na parang may tinatakasan at sa isipan, mga katagang paulit-ulit: “Sa wakas…sa wakas”.

Nagsimula lahat ng niyan nang makita na kitang may kasama nang iba.

Pero nang balikan ko ang araw simula nang makita kita kasama niya at ng araw na huli tayong mag-usap pagkatapos ng mahabang katahimikan…

Kaibigan, nakawala ka na nga ba o kumapit lang sa iba?

Naghihintay na sana sa pagtagal, siya ang makapagpakawala sa’yo sa kadena

Dahil di ko naisip, pinakawalan nga kita sa hawla nating dalawa, pero ang kadenang nagdudugtong sa ating dalawa, kadenang iyong ginawa, hindi mo pa nasisira.

Ang malayang pakiramdam unti-unting bumaba mula sa alapaap. 
Ikaw nga ba’y masaya na o nagpapanggap? 

Kailan mo mahahagilap na hindi ako ang iyong pangarap?

At kailangan ko matatanggap, na hindi ikaw ang aking hanap?

Na ang kalungkutan ay hindi basehan para sa pag-iibigan?

Ang kalungkutan ko’y hindi ang iyong kawalan,

Kun’di ang kakayahan ng puso kong kumawala at maipagkatiwala sa iba ng lubusan. 

Pero ang kapal naman ng aking mukha para sa isiping di ka pa nakawala. Sana nga. Sana nga. 

Sa konting panahon, ako’y nakaramdam ng alapaap sa pag-aakalang ika’y nakatagpo na ng bagong pangarap, nang sa gayo’y ako nama’y mapanatag na ikaw at ako maaari nang bumalik sa pagkakaibigan nang walang masasaktan.

Ngayon na nga ba ang “Sa wakas.”? 

Muli, hihingi ng tawad nang walang wakas.

inspired by: MARTA

3 Mar

Ako si Marta

Dalagang ina

Nagmahal nung una

Nanganak mag-isa

Nagalit sa mundo

Sabi ko noon, “Unfair ito!”

Buti pa siya, walang dinadala

Magiging ama, pero hindi halata

Kung umasta parang binata

Walang anak na iniinda

Kung ang lalaki kaya ang magdala

Para sa ‘pag puntong ako’y nanghihina

Makikipag-inuman naman sa barkada

Tutal, lalaki na ang may dala

Ng batang binuo naming dalawa

Kung lalaki na ang magdadala

Pwede na akong maglakwatsa

Maghahanap ng damit

Kaya nang magbuhat,

kahit maraming bitbit

Pero hindi, dahil kung lalaki ang magdadala

Sasamahan ko siya

Kapag kumirot ang tiyan?

Dali-dali kong hahalikan

Kapag umiiyak, kahit walang dahilan?

Kahit saan pa yan, lagi kong dadamayan

Kapag di makatulog

Naghahanap ng niyog

May buko naman sa kanto

Kukunin ko alang-alang sa mag-ama ko.

Pero kahit hindi lalaki ang magdala

Kahit ako na dahil ako naman talaga

Kakayanin ko, iparamdam lang niya

Nabuo ito nang hindi ako mag-isa

At siguruhin niya

Ilalabas ko itong magkasama kaming dalawa.

Kaya na ba?

24 Feb

Alam ko,

Tila manhid ako sayong paningin

Malamig at parang di ka napapansin
Mga katagang iyong laging inuulit

Ni ayokong marinig

Mga katagang iyong inuulit

Baka sakaling akin ding iparinig
Dalawang salitang mahirap pakawalan

“Mahal” at “kita”

Mahal, salita at gawa’ng hirap kong pakawalan

“Kita”, isang bisitang di ko tuluyang maimbitahan
Sa labas, ako’y manhid

Sa loob, may isang giyera’ng tila walang patid

Ng isip at puso,

Ang pusong gustong pakawalan ang pagma-“mahal” 

Ang isip na gustong ilayo muna “kita” 

Pero,

Gustung-gusto kitang mahalin

Ng buo, nang walang takot

Ang magpakatihulog sa’yo

Ng walang alinlangan, sayung-sayo
Pero, kaya mo na ba akong masalo?

NG buong-buo, NANG buong-buo?

Patid. Patid.

13 Oct

Lumulusot-lusot lusot sa butas ng karayom.
-yom, yung tipong sa sikip-sikip parang magigiit-giit .
Liit at sikip-sikip ng daang di matuwid-tuwid.
Parang pawid sa bukid, di makatawid-tawid.
Tawid na sana para makapagpahatid – hatid ng pag-ibig na walang-patid.